RSS

14.7.11

Ang Mahiwagang Mundo ng Tutuban

The Chaotic World of Divisoria
“Sige lapit lang tatlo-isang daan, t-shirt ng bata! Sige na suki, lapit lang – may tawad pa!”

   Saan ba natin madalas naririnig yang mga linyang yan na kadalasang ginagamitan pa ng megaphone o mikroponong nakakabit sa karaoke? Gusto mo ba ng clue? Mabaho dito, maputik, masikip, at mga katangian pang binanggit ni Maricel Soriano sa isa niyang pelikula, pero nag-uumapaw pa rin ng tao. Isa pa? Maraming sikat na mall o pamilihan dito sa lugar na ito na talaga nga namang bagsak presyo pero karamihan ay peke o imitasyon lamang. Hindi mo pa rin alam? Malapit ito sa Recto, Doroteo Jose, at University Belt. Tama, isang nagbubukod-tanging pangalan lang ang sagot sa mga sinabi kong clue. Isang lugar na bente-kwatro oras ay dinadagsa ng tao, kahit ano pa ang katayuan nila sa buhay. Isang lugar na bagamat nagkukumahog sa dami ng tao, puno rin ng mga snatcher at mandurugas. Isang lugar na mahigit dalawang dekada ko nang pinupuntahan – Divisoria.

   Ayon sa mga nasaliksik ko mula sa internet at sa telebisyon, ang Divisoria o Tutuban ay dating terminal ng tren na noon pa man ay hitik na sa tao at sa mga mangangalakal. DIto nagsisimula ang mga tren ng PNR o Philippine National Railways na bumabiyahe hanggang Bicol. Siguro dahil sa naging matumal ang biyahe at sumikat ang isa pang linya ng tren na LRT o Light Railways Train, nagsara ang nasabing terminal at naging tambayan na lamang ng mga tinderong tinaboy ng mga pulis sa bangketa. Kaya siya tinawag na Divisoria ay nahahati ang lugar na ito sa dalawa, Tutuban na siyang terminal na ngayong gusali na at naging pamilihan ng mga ‘class-A’ na produkto, at isang malaking palengke na madalas dagsain ng tao dahil sa dami at mura ng pamilihan. Ibig sabihin kasi ng Divisoria sa salitang Kastila ay ‘nahati’. Pero kahit saan ka man mapadpad sa dalawang lugar, parehas lang ang mga produkto, presyo, at uri ng mga taong makikilala mo. At kagaya ng Divisoria na ibig sabihin ay nahati sa dalawa, dalawa rin ang maririnig mong bukambibig ng mga mamimili sa Divisoria – ang ‘magkano’ at ang ‘magkano ang last price’. 

    Mabaho, maputik, masikip – yan ang una kong puna sa Divisoria nang una akong mapadpad doon noong bata ako. Madalas kasi kaming gumarahe gamit ang sasakyan namin sa isang mall sa Tutuban, at pagkatapos naming maglibot sa Tutuban Mall ay tatawid naman kami sa kabilang parte ng Divisoria kung saan dito mo mararanasan ang mga katangiang nabanggit ko. Maganda kasi doon sa Tutuban eh: malamig, kakaunti ang tao kumpara sa labas, at maraming kainan at matatambayan sakaling galit na ang paa mo sa’yo sa kakalakad mo maghapon. Sa labas naman, mainit at masikip dahil hindi lang tao ang makakasalubong mo’t iiwasan, pati mga sasakyan. Pero gayun paman, ‘ika nga ng nanay ko “nandito ang pera”. Sa palengke maraming tinda na ‘di hamak na mas mura kumpara sa loob ng Tutuban mall. Mura din naman sa mall, pero mas malaki ang matitipid mo sa labas. Palagay na nating may natipuhan kang magandang damit sa mall na nagkaka-halagang P250, panigurado sa labas isang daang piso lamang yan. Kailangan mo nga lang ibabad ng isang linggo sa Downy dahil bago mo pa mabili yan ay salo na nito lahat ng polusyon sa Maynila. Sa labas kadalasan nakakaraming bilhin ang nanay ko, at kadalasan ng mga binibili niya ay tela o ‘di kaya’y sinulid. Mga bagay na ikinakakamot ng ulo ng mga lalaking kagaya ko. Pero mayroon tayong kasabihan na ‘sa bawat dulo ng isang bahaghari, may isang palayok ng ginto na naghihintay sa’yo’. Handa kong tiisin ang init at lagkit na nararamdaman ko sa labas dahil palaging sinasabi sa akin ng nanay ko na pupunta kami sa isang gusali doon na LAHAT ay may bentang laruan (oo, hindi ito exaggeration. Ilang palapag yon at lahat yun ay nagtitindi nga ng laruan). Pero sa libong beses naming pumunta doon, isang beses pa lamang ‘ata ako nakaka-apak sa nasabing paraiso ng mga bata at tanging pellet gun lang ang nabili ko doon sa dami ng mga rekwes na hinihingi ko sa nanay ko, manahimik lang ako buong biyahe namin. Pero nang lumaki-laki na rin ako, nakayanan ko na rin ang hirap ng pamimili sa labas. Hindi ko na rin hinahangad na magpunta sa gusaling puno ng laruan sa bawat punta namin doon. Kuntento na ako na bilhan ako ng nanay ko ng damit kapalit sa pagsama ko ng matiwasay sa kanila ng ate ko.

Isang tambak ng mga laruan


     Kasabay ng paglaki ko, nagsulputan ang iba pang mall sa loob ng Divisoria compound. Pero sa lahat ng mga mall na ito, ang pinaka-sikat ay ang 168 mall na parang Tutuban mall ang ambiance. Malamig din at may food court na pwede mong pahingahan pagkatapos ng buong araw na pamimili. Yun nga lang, masikip pa rin sa loob nito dahil bukod sa dami ng tao ay makikipot pa ang mga daanan. Halos pareho lang sila ng tinda ng nasa loob ng Tutuban mall at palengke, at halo rin ang presyo nito – may mura, may mahal. At minsan, kapag nakaka-tsamba ka ng malas – may mas mahal pa sa presyo ng nasa kilalang mall sa Pilipinas. Pero ang lubos na ikinatutuwa ko sa mga tinda sa Divisoria ay ang mga produkto nila na kakaiba. Yung tipong kahit ‘di mo masyadong kailangan o yung mga bagay na hindi mo aakalaing totoo pala, meron doon. Halimbawa ng sinasabi ko ay yung minsang nakakita ako ng binebentang shuriken ng isang nagbebenta ng laruan. Oo, shuriken – yung madalas gamitin ng mga ninja sa mga cartoons o palabas na inihitsa nila sa mga kalaban dahil ‘di sila marunong gumamit ng baril kahit na Intsik ang naka-diskubre ng pulbura noong 7th century. Natawa naman ako noon, sinong ungas ang bibili noon, si Shintaro o si Naruto ba? Akala ko noon ay laruang shuriken lang at plastic, pero nang lapitan ko aba, kasing talim ng kutsilyo! Hindi pwedeng paglaruan ng mga bata ng basta-basta dahil maari silang makapatay kapag naihagis ito sa kalaro nito. Tinanong ko kung magkano, P2500 daw at pwedeng tawaran ng P2300. Sa totoo lang, natutukso akong bilhin yon sa kadahilanang pwede kong ipagmalaki sa mga kaibigan ko na isa akong Hokage. Pwede ko ring ibato sa pagitan ng mata ng sinumang mangangahas na pasukin ang bahay namin sa gabi. Pero nanghinayang ako sa tu-payb, bukod sa marami pa akong pwedeng bilhin sa dalawang libo’t limang daan ay wala rin ako kahit isang daan.

     Speaking of sa dami ng pwedeng bilhin sa pera mo, marami kang mabibili sa Divisoria kumpara sa mga sikat na mall sa syudad. Halimbawa ang pera mo ay isang libong piso: kung sa SM ka magsa-shopping, malamang isang pantalon lang o dalawang damit lamang na branded ang kaya ng pera mo. Pero kung sa Divisoria ka pupunta, kumpleto na ang get-up mo! Magmula sa brip hanggang sa sapatos, pasok yang isang libo mo. At kung magaling kang maghagilap ng mura o tumawad, baka may pangkain ka pa at pangload ng limang araw. Ang pinagka-iba lamang ng SM sa DIvisoria ay ang oras ng pamimili mo. Sa SM kasi o kahit saang mall na pinagmamay-ari ng mga prominenteng tao sa Pilipinas, saglit lang na pamimili mo dahil bukod sa maraming maga-assist sa’yo ay wala ka na ring pera para maglibot at maghanap pa sa buong mall. Sa Divisoria kasi bukod sa marami kang ka-kompitensya sa gamit na gusto mo, pahirapan din sa pakikipag-usap sa mga may-ari ng pwesto. Karamihan kasi ng mga may-ari ay mga Instik, kaya pahirapan sa pakikipag-tawaran. May mga sales lady man sila na Pinay, sa boss pa rin nila iaasa kapag tumatawad ang mamimili. Isang beses sinamahan ko ang kaklase kong mamili ng kanyang pamporma sa opisina at nakakita kami ng magandang polo na long sleeves sa may 168. Ito walang biro, inabot ‘ata kami ng limang minuto bago namin malaman ang binibigay niyang presyo sa amin kung tatawaran namin ang P250 niyang benta ng polo. Paano kasi, ang hirap intindihin ang sinasabi niya na ‘pede’h to’h hunda’h na la’h ya’ na ibig sabihin pala ay ‘pwedeng two hundred na lang yan’. Hindi nga namin alam kung minumura na kami o ano eh dahil ‘di namin alam kung Mandarin ba ang sinasabi niya o Tagalog. At dahil sa bagito kami’t hindi sanay sa mahaba at matagal na lakaran sa Divisoria, tinanggap na lang namin ang alok niyang last price na mula P250 ay nabawasan ng singkwenta. At sa pag-ikot ikot din namin sa paghahanap naman ng maong na pantalon, nakakita rin kami ng parehong polo. Alam mo kung magkano? Isang daan at singkwentang piso lang naman, mas mababa ng isang daan sa binili niya at pwede pang bawasan ang presyo. Umuwi tuloy kaming bad-trip at puno ng panghihinayang.

    Pero isang-tabi muna natin ang mga mala-Death March na pag-iikot at mga ‘di maintindihang mga Instik, solb ka pa rin sa pamimili sa Divisoria. Kahit barya-barya lang ang sweldo mo mula sa pagta-trabaho, marami ka pa ring mabibili dito. Kumpleto na kasi dito at ‘di mo na kailangang bumyahe pa ng pagka-layo layo: mula sa mga gulay at prutas hanggang sa mga gamit sa kusina. Marami ka ring makakasalamuha na iba’t ibang uri ng tao – kahit mga maaarteng babae na madapuan lang ng daliri ng pulubi ay naghihihiyaw na ay nakikisiksik sa maputik at mabahong eskinita ng Divisoria. Kailan lang ay nakabalik ulit ako sa Divisoria mula nang samahan ko ang kaklase ko noong Pebrero dito, at napansin kong halos wala pa ring pinagbago ang paborito naming pamilihan ni nanay. Marami pa rin ang mga taong nagkukumahog sa gitna ng kalsada, marami pa rin ang mga tinderang lalapitan ka para bentahan ka ng mga pamatay daga at panali ng aso (nakakapagtakang paano nila nalaman na problemado ka sa mga dagang nagha-house party sa kusina mo at sa asong kahit anong gawin mo ay nakakalabas pa rin ng bahay niyo kahit ipad-lock mo na ang gate), at marami pa ring mga snatcher na nag-aabang ng mga aanga-angang mamimili sa Divisoria. Isa yan sa mga kinakatakot ko tuwing aapak ako sa DIvisoria, ang mga mandurukot. ‘Di baleng mapamahal ako sa pinamili ko, huwag lang pagnaasahan ng snatcher ang cellphone kong pwedeng pamato sa tumbang preso. Kada minuto, palagi kong kinakapa ang bulsa kung saan nakalagay ang wallet at cellphone ko para maka-sigurado ako na nasa akin pa ang mga gamit ko. Nitong huli ko nga lang na punta doon, buong araw kong hindi dinukot ang phone ko sa publiko at kinakailangan ko pang magbanyo at magtago sa isang cubicle para mai-text lang ang girl friend ko. Praning man kung titingnan, pero mas maigi nang magalit ang nobya ko kaysa sa magka-gripo ako ng dugo sa tagiliran at mawalan ng cell phone. Ang nobya, nadadaan sa lambing yan at konting matatamis na salita – ang snatcher kahit mag-alay ka ng tupa at kumain ka ng buhay na manok sa harap niya ay ‘di isasauli ang ninakaw niya sa’yo. Pero buti na lang ay ‘di siya nagalit, imbes ay pinagtawanan pa ang ginawa ko maka-usap lamang siya. Bwiset.

Imagine, nawawala ang anak mong bata at dito mo hahanapin. Good luck!
    Sa hirap talaga ng buhay, minsan nagtya-tyaga na lamang tayo sa mga simpleng bagay. Hindi na tayo naghahangad ng mga mamahaling bagay: basta naisusuot, basta nagagamit, ayos na ang buto-buto. Nakakatuwa rin sa ugali nating mga Pinoy ang pagiging maparaan. Gagawa’t gagawa tayo ng paraan mairaos lang natin ang isang araw kahit na ang iba ay naliligo na sa pera dahil sa yaman. Pero dahil sa mga simpleng ideya nating mga Pinoy at nakagawa tayo ng isang Divisoria na naging institusyon na sa panahong ito ay naglalapit ang malayong agwat ng pamumuhay ng mga mahihirap at mayayaman – maging ang mga masyadong humble na ‘may kaya’. Kagaya ng pamimili sa DIvisoria, minsan dumarating sa atin ang mga pagsubok mula pakikipag-sapalaran natin sa takbo ng buhay – napuputikan tayo sa matagtag na daan patungo sa buhay na maginhawa, maraming tao tayong nakakasalubong sa daan, may masamang loob na nagna-nais na sirain ang pag-asa natin – pero kung may pasensya lang tayo, kaunting tiyaga, kumpyansa sa sarili, at tiwala sa May Kapal, makakahanap rin tayo ng ginhawa sa dulo. May makikita tayong karton na nakasabit at may nakasulat na ‘isang masaganang buhay kasama ang Panginoon sa halagang 100 na pananampalataya, 100 na kabutihan sa kapwa, at 100 na pagmamahal sa sarili – tapat na po!’. Θ


0 comments:

Post a Comment

Suggestions? Requests? Violent Reactions?