RSS

14.7.11

Ang Mahiwagang Mundo ng Tutuban

The Chaotic World of Divisoria
“Sige lapit lang tatlo-isang daan, t-shirt ng bata! Sige na suki, lapit lang – may tawad pa!”

   Saan ba natin madalas naririnig yang mga linyang yan na kadalasang ginagamitan pa ng megaphone o mikroponong nakakabit sa karaoke? Gusto mo ba ng clue? Mabaho dito, maputik, masikip, at mga katangian pang binanggit ni Maricel Soriano sa isa niyang pelikula, pero nag-uumapaw pa rin ng tao. Isa pa? Maraming sikat na mall o pamilihan dito sa lugar na ito na talaga nga namang bagsak presyo pero karamihan ay peke o imitasyon lamang. Hindi mo pa rin alam? Malapit ito sa Recto, Doroteo Jose, at University Belt. Tama, isang nagbubukod-tanging pangalan lang ang sagot sa mga sinabi kong clue. Isang lugar na bente-kwatro oras ay dinadagsa ng tao, kahit ano pa ang katayuan nila sa buhay. Isang lugar na bagamat nagkukumahog sa dami ng tao, puno rin ng mga snatcher at mandurugas. Isang lugar na mahigit dalawang dekada ko nang pinupuntahan – Divisoria.

   Ayon sa mga nasaliksik ko mula sa internet at sa telebisyon, ang Divisoria o Tutuban ay dating terminal ng tren na noon pa man ay hitik na sa tao at sa mga mangangalakal. DIto nagsisimula ang mga tren ng PNR o Philippine National Railways na bumabiyahe hanggang Bicol. Siguro dahil sa naging matumal ang biyahe at sumikat ang isa pang linya ng tren na LRT o Light Railways Train, nagsara ang nasabing terminal at naging tambayan na lamang ng mga tinderong tinaboy ng mga pulis sa bangketa. Kaya siya tinawag na Divisoria ay nahahati ang lugar na ito sa dalawa, Tutuban na siyang terminal na ngayong gusali na at naging pamilihan ng mga ‘class-A’ na produkto, at isang malaking palengke na madalas dagsain ng tao dahil sa dami at mura ng pamilihan. Ibig sabihin kasi ng Divisoria sa salitang Kastila ay ‘nahati’. Pero kahit saan ka man mapadpad sa dalawang lugar, parehas lang ang mga produkto, presyo, at uri ng mga taong makikilala mo. At kagaya ng Divisoria na ibig sabihin ay nahati sa dalawa, dalawa rin ang maririnig mong bukambibig ng mga mamimili sa Divisoria – ang ‘magkano’ at ang ‘magkano ang last price’. 

    Mabaho, maputik, masikip – yan ang una kong puna sa Divisoria nang una akong mapadpad doon noong bata ako. Madalas kasi kaming gumarahe gamit ang sasakyan namin sa isang mall sa Tutuban, at pagkatapos naming maglibot sa Tutuban Mall ay tatawid naman kami sa kabilang parte ng Divisoria kung saan dito mo mararanasan ang mga katangiang nabanggit ko. Maganda kasi doon sa Tutuban eh: malamig, kakaunti ang tao kumpara sa labas, at maraming kainan at matatambayan sakaling galit na ang paa mo sa’yo sa kakalakad mo maghapon. Sa labas naman, mainit at masikip dahil hindi lang tao ang makakasalubong mo’t iiwasan, pati mga sasakyan. Pero gayun paman, ‘ika nga ng nanay ko “nandito ang pera”. Sa palengke maraming tinda na ‘di hamak na mas mura kumpara sa loob ng Tutuban mall. Mura din naman sa mall, pero mas malaki ang matitipid mo sa labas. Palagay na nating may natipuhan kang magandang damit sa mall na nagkaka-halagang P250, panigurado sa labas isang daang piso lamang yan. Kailangan mo nga lang ibabad ng isang linggo sa Downy dahil bago mo pa mabili yan ay salo na nito lahat ng polusyon sa Maynila. Sa labas kadalasan nakakaraming bilhin ang nanay ko, at kadalasan ng mga binibili niya ay tela o ‘di kaya’y sinulid. Mga bagay na ikinakakamot ng ulo ng mga lalaking kagaya ko. Pero mayroon tayong kasabihan na ‘sa bawat dulo ng isang bahaghari, may isang palayok ng ginto na naghihintay sa’yo’. Handa kong tiisin ang init at lagkit na nararamdaman ko sa labas dahil palaging sinasabi sa akin ng nanay ko na pupunta kami sa isang gusali doon na LAHAT ay may bentang laruan (oo, hindi ito exaggeration. Ilang palapag yon at lahat yun ay nagtitindi nga ng laruan). Pero sa libong beses naming pumunta doon, isang beses pa lamang ‘ata ako nakaka-apak sa nasabing paraiso ng mga bata at tanging pellet gun lang ang nabili ko doon sa dami ng mga rekwes na hinihingi ko sa nanay ko, manahimik lang ako buong biyahe namin. Pero nang lumaki-laki na rin ako, nakayanan ko na rin ang hirap ng pamimili sa labas. Hindi ko na rin hinahangad na magpunta sa gusaling puno ng laruan sa bawat punta namin doon. Kuntento na ako na bilhan ako ng nanay ko ng damit kapalit sa pagsama ko ng matiwasay sa kanila ng ate ko.

Isang tambak ng mga laruan


     Kasabay ng paglaki ko, nagsulputan ang iba pang mall sa loob ng Divisoria compound. Pero sa lahat ng mga mall na ito, ang pinaka-sikat ay ang 168 mall na parang Tutuban mall ang ambiance. Malamig din at may food court na pwede mong pahingahan pagkatapos ng buong araw na pamimili. Yun nga lang, masikip pa rin sa loob nito dahil bukod sa dami ng tao ay makikipot pa ang mga daanan. Halos pareho lang sila ng tinda ng nasa loob ng Tutuban mall at palengke, at halo rin ang presyo nito – may mura, may mahal. At minsan, kapag nakaka-tsamba ka ng malas – may mas mahal pa sa presyo ng nasa kilalang mall sa Pilipinas. Pero ang lubos na ikinatutuwa ko sa mga tinda sa Divisoria ay ang mga produkto nila na kakaiba. Yung tipong kahit ‘di mo masyadong kailangan o yung mga bagay na hindi mo aakalaing totoo pala, meron doon. Halimbawa ng sinasabi ko ay yung minsang nakakita ako ng binebentang shuriken ng isang nagbebenta ng laruan. Oo, shuriken – yung madalas gamitin ng mga ninja sa mga cartoons o palabas na inihitsa nila sa mga kalaban dahil ‘di sila marunong gumamit ng baril kahit na Intsik ang naka-diskubre ng pulbura noong 7th century. Natawa naman ako noon, sinong ungas ang bibili noon, si Shintaro o si Naruto ba? Akala ko noon ay laruang shuriken lang at plastic, pero nang lapitan ko aba, kasing talim ng kutsilyo! Hindi pwedeng paglaruan ng mga bata ng basta-basta dahil maari silang makapatay kapag naihagis ito sa kalaro nito. Tinanong ko kung magkano, P2500 daw at pwedeng tawaran ng P2300. Sa totoo lang, natutukso akong bilhin yon sa kadahilanang pwede kong ipagmalaki sa mga kaibigan ko na isa akong Hokage. Pwede ko ring ibato sa pagitan ng mata ng sinumang mangangahas na pasukin ang bahay namin sa gabi. Pero nanghinayang ako sa tu-payb, bukod sa marami pa akong pwedeng bilhin sa dalawang libo’t limang daan ay wala rin ako kahit isang daan.

     Speaking of sa dami ng pwedeng bilhin sa pera mo, marami kang mabibili sa Divisoria kumpara sa mga sikat na mall sa syudad. Halimbawa ang pera mo ay isang libong piso: kung sa SM ka magsa-shopping, malamang isang pantalon lang o dalawang damit lamang na branded ang kaya ng pera mo. Pero kung sa Divisoria ka pupunta, kumpleto na ang get-up mo! Magmula sa brip hanggang sa sapatos, pasok yang isang libo mo. At kung magaling kang maghagilap ng mura o tumawad, baka may pangkain ka pa at pangload ng limang araw. Ang pinagka-iba lamang ng SM sa DIvisoria ay ang oras ng pamimili mo. Sa SM kasi o kahit saang mall na pinagmamay-ari ng mga prominenteng tao sa Pilipinas, saglit lang na pamimili mo dahil bukod sa maraming maga-assist sa’yo ay wala ka na ring pera para maglibot at maghanap pa sa buong mall. Sa Divisoria kasi bukod sa marami kang ka-kompitensya sa gamit na gusto mo, pahirapan din sa pakikipag-usap sa mga may-ari ng pwesto. Karamihan kasi ng mga may-ari ay mga Instik, kaya pahirapan sa pakikipag-tawaran. May mga sales lady man sila na Pinay, sa boss pa rin nila iaasa kapag tumatawad ang mamimili. Isang beses sinamahan ko ang kaklase kong mamili ng kanyang pamporma sa opisina at nakakita kami ng magandang polo na long sleeves sa may 168. Ito walang biro, inabot ‘ata kami ng limang minuto bago namin malaman ang binibigay niyang presyo sa amin kung tatawaran namin ang P250 niyang benta ng polo. Paano kasi, ang hirap intindihin ang sinasabi niya na ‘pede’h to’h hunda’h na la’h ya’ na ibig sabihin pala ay ‘pwedeng two hundred na lang yan’. Hindi nga namin alam kung minumura na kami o ano eh dahil ‘di namin alam kung Mandarin ba ang sinasabi niya o Tagalog. At dahil sa bagito kami’t hindi sanay sa mahaba at matagal na lakaran sa Divisoria, tinanggap na lang namin ang alok niyang last price na mula P250 ay nabawasan ng singkwenta. At sa pag-ikot ikot din namin sa paghahanap naman ng maong na pantalon, nakakita rin kami ng parehong polo. Alam mo kung magkano? Isang daan at singkwentang piso lang naman, mas mababa ng isang daan sa binili niya at pwede pang bawasan ang presyo. Umuwi tuloy kaming bad-trip at puno ng panghihinayang.

    Pero isang-tabi muna natin ang mga mala-Death March na pag-iikot at mga ‘di maintindihang mga Instik, solb ka pa rin sa pamimili sa Divisoria. Kahit barya-barya lang ang sweldo mo mula sa pagta-trabaho, marami ka pa ring mabibili dito. Kumpleto na kasi dito at ‘di mo na kailangang bumyahe pa ng pagka-layo layo: mula sa mga gulay at prutas hanggang sa mga gamit sa kusina. Marami ka ring makakasalamuha na iba’t ibang uri ng tao – kahit mga maaarteng babae na madapuan lang ng daliri ng pulubi ay naghihihiyaw na ay nakikisiksik sa maputik at mabahong eskinita ng Divisoria. Kailan lang ay nakabalik ulit ako sa Divisoria mula nang samahan ko ang kaklase ko noong Pebrero dito, at napansin kong halos wala pa ring pinagbago ang paborito naming pamilihan ni nanay. Marami pa rin ang mga taong nagkukumahog sa gitna ng kalsada, marami pa rin ang mga tinderang lalapitan ka para bentahan ka ng mga pamatay daga at panali ng aso (nakakapagtakang paano nila nalaman na problemado ka sa mga dagang nagha-house party sa kusina mo at sa asong kahit anong gawin mo ay nakakalabas pa rin ng bahay niyo kahit ipad-lock mo na ang gate), at marami pa ring mga snatcher na nag-aabang ng mga aanga-angang mamimili sa Divisoria. Isa yan sa mga kinakatakot ko tuwing aapak ako sa DIvisoria, ang mga mandurukot. ‘Di baleng mapamahal ako sa pinamili ko, huwag lang pagnaasahan ng snatcher ang cellphone kong pwedeng pamato sa tumbang preso. Kada minuto, palagi kong kinakapa ang bulsa kung saan nakalagay ang wallet at cellphone ko para maka-sigurado ako na nasa akin pa ang mga gamit ko. Nitong huli ko nga lang na punta doon, buong araw kong hindi dinukot ang phone ko sa publiko at kinakailangan ko pang magbanyo at magtago sa isang cubicle para mai-text lang ang girl friend ko. Praning man kung titingnan, pero mas maigi nang magalit ang nobya ko kaysa sa magka-gripo ako ng dugo sa tagiliran at mawalan ng cell phone. Ang nobya, nadadaan sa lambing yan at konting matatamis na salita – ang snatcher kahit mag-alay ka ng tupa at kumain ka ng buhay na manok sa harap niya ay ‘di isasauli ang ninakaw niya sa’yo. Pero buti na lang ay ‘di siya nagalit, imbes ay pinagtawanan pa ang ginawa ko maka-usap lamang siya. Bwiset.

Imagine, nawawala ang anak mong bata at dito mo hahanapin. Good luck!
    Sa hirap talaga ng buhay, minsan nagtya-tyaga na lamang tayo sa mga simpleng bagay. Hindi na tayo naghahangad ng mga mamahaling bagay: basta naisusuot, basta nagagamit, ayos na ang buto-buto. Nakakatuwa rin sa ugali nating mga Pinoy ang pagiging maparaan. Gagawa’t gagawa tayo ng paraan mairaos lang natin ang isang araw kahit na ang iba ay naliligo na sa pera dahil sa yaman. Pero dahil sa mga simpleng ideya nating mga Pinoy at nakagawa tayo ng isang Divisoria na naging institusyon na sa panahong ito ay naglalapit ang malayong agwat ng pamumuhay ng mga mahihirap at mayayaman – maging ang mga masyadong humble na ‘may kaya’. Kagaya ng pamimili sa DIvisoria, minsan dumarating sa atin ang mga pagsubok mula pakikipag-sapalaran natin sa takbo ng buhay – napuputikan tayo sa matagtag na daan patungo sa buhay na maginhawa, maraming tao tayong nakakasalubong sa daan, may masamang loob na nagna-nais na sirain ang pag-asa natin – pero kung may pasensya lang tayo, kaunting tiyaga, kumpyansa sa sarili, at tiwala sa May Kapal, makakahanap rin tayo ng ginhawa sa dulo. May makikita tayong karton na nakasabit at may nakasulat na ‘isang masaganang buhay kasama ang Panginoon sa halagang 100 na pananampalataya, 100 na kabutihan sa kapwa, at 100 na pagmamahal sa sarili – tapat na po!’. Θ


Ano Na Namang Drama Yaaaan: Ang Noon At Ngayon...

The Past, Present, and Future -- post-it style
   Kanina habang nakikinig ako ng music sa aking mp3 player, biglang tumugtog ang kantang "Eleben-pipty" (or 11:50) na kinompose ng banda namin with our good friend Von Berciles para sa nililigawan niya that time. Kung hindi ako nagkaka-mali, September 2009 pa nangyari yung eskenang pagkanta niya talaga sa girl pero yung video nito ay end of December 2009 na -- kung kailan nag-break na sila noong girl. Ito na rin ang last jam naming magba-banda noong nag-propose siya, after that nagkanya-kanya na muna kaming trip. Unfortunately, kung gaano ka-bongga ang pag-propose niya at pagsagot sa kanya ay siya namang delubyo nang hiwalayan siya three weeks after. Taragis na yan, hindi pa natalo ang best record ko na two years na nanligaw pero two weeks lang ang itinagal. Buhay nga naman, tsamba-tsamba lang yan.

Music Video namin ng Elebenpipty

Ayan 'yung video n'ung kanta. Si Von yung naka-puti (at malamang yung kumakanta) at si JR naman yung gitarista. Sa video, si Von ang nag-gigitara habang si JR naman ang nagli-lead pero sa totoo ay ako talaga yung tumutugtog ng rhythm guitar part (Oops! At yung nasa bandang 1:57, bigla palang na-extra ang drummer naming si Carvin). Kaya nga pala Elebenpipty ang title kasi 11:50 ng gabi namin ginawa ang kantang yan -- birthday ko pa (pero wala siyang kinalaman sa title, sinabi ko lang).

   Nang matapos ang kanta (Alapaap 'ata yung sumunod), pinatay ko na muna 'yung mp3 player at nag-emo muna sa tabi ng bintana. Naks, parang MTV lang! Anyway, bigla kong naisip na ang tagal na panahon na pala yung nakalipas nang gawin namin yang kantang yan. Birthday ko yun at biglaan lang kasi yan, nag-gitara lang ako ng apat na chords sabay nilapatan ni JR ng lead at ayun -- nagkayayaan nang gumawa ng lovey-dovey na kanta. Grabe, 2009 pa pala yun pero parang kahapon lang na nagwawala kami sa tapat ng bahay namin na parang mga abnoy dahil naka-buo kami ng kanta ng biglaan at mabilisan. Nakaka-miss lang ang mga panahong yun, madalas pa kasi kaming kumpleto at nagkaka-sama kada araw noon. Si Von, isang text mo lang susunduin ka na in a motorcycle. Si JR naman, limang text with kasamang pangungulit ay tatambay na rin yan -- pero susunduin mo siya with Von's motorcycle. Ngayon kasi bihira ko na lang silang dalawa makasama; si Von ay nasa Paranaque na ngayon dahil doon siya nag-aaral samantalang si JR ay busy rin sa kaniyang school works. Ako naman ay abala sa trabaho na kahit sarili kong pamilya na kasama ko sa bahay ay hindi ko na mabigyan ng oras sa sobrang stressed at puyat. At dahil sa ala-ala na yan, parang naging Assasin's Creed's DNA Memory Sequence menu ang isip ko at kumalkal ng mga ala-ala ng kahapon. Teka, ihi muna ako.



YEAR 2010
 ~ Sa ngayon, 2010 at 2011 muna ang pagku-kumperahin ko dahil dito mas malaki ang pagbabago ko. Anyway, nag-simula ang taon ko sa isang dialouge sa paborito kong tambayan na tindahan -- "Last na 'yosi ko na 'to at no more smoking in 2010!". Well anong nangyari? Wala. Nothing. Nada. Zip. Alam naman natin na isang malaking kabulastugan ang 'New Year's Resolution' na 5% lang ang natutupad, kadalasan ay ang mas madali pa sa 'araw-araw akong hihinga ng oxygen'. Anyway, naalala ko ay nag-aaral pa ako noong time na ito -- third year college 'ata. Hindi na ako magsi-sinungaling -- tamad akong estudyante. Hindi ako gumagawa ng assignments, bihira ako gumawa ng projects, kamote mode ako palagi kapag exam, at higit sa lahat -- tulog ako parati kapag discussion or lecture. At'ska may problema rin ako niyang mga panahon na yan kaya yung tuition ko for Final period ay hindi ko naibayad dahil sa kanya ko naibayad. Hindi ko sinabi sa Nanay ko na hindi ko naibayad ang hoping that she would never find out until the right time (which is never), at ang baon na natatanggap ko for two months ay pinag-internet ko na lang sa kalapit na computer cafe or pinapam-punta ko ng Taft Ave kung saan nag-aaral ang girlfriend ko. Unfortunately, dahil sa isang maling pagtambay pa sa kusina matapos akong kumain, nalaman ng Kuya ko ang nangyari hanggang sa sinabi na namin sa Nanay namin. Ang resulta? Stop na naman ako sa pag-aaral. Pangatlong tigil ko na 'to infairness, parang si Michael Jordan lang na tatlong beses nag-retire. Pero this time desidido akong huwag munang bumalik at maghanap na lamang ng trabaho bilang encoder o call center agent para ako na lamang ang magpapa-aral sa sarili ko. Marami na akong call centers na inapply-an at job fairs na dinaluhan pero mailap ang trabaho sa akin for five months hanggang sa maka-tsamba ako sa isang sikat na call center sa may Mandaluyong para sa Language Skills Training. Two weeks lang ang training pero 500 pesos per week ang allowance mo. What the hell -- sa Bulacan pa ako naka-tira at P150 ang pamasahe ko araw-araw excluded pa ang pangkain tapos P100 ang allowance na sa end of week ko pa makukuha? Anak sa tinapay naman oh! Wala ring nangyari doon,bumagsak ako sa last day evaluation nila. Sa eleven 'ata kaming nag-training, tatlo lang ang pumasa -- at balita ko ngayon ay walang tumagal sa batch namin. After noon ay naghanap ulit ako ng mapapasukan hanggang two weeks after ay may napasukan naman ako. Isa akong Tech Support sa isa pang sikat na call center pero dalawang linggo rin ako dito dahil hindi ko naipasa yung Berlitz assesment nila. After two weeks ulit, nagre-apply ako sa same company at ma-swerteng natanggap ulit ako bilang CSR sa isang non-voiced na account. At dito natapos ang taong 2010 ko.

YEAR 2011
 ~ Nagsimula ang taong 2011 ko na masaya at malaki ang pinagka-iba sa nakaraang taon -- may trabaho at may pera. Nakapasa naman ako sa training at sa awa ng Diyos ay tumagal ng lagpas dalawang linggo. At dahil sa trabahong ito ay nadagdagan ang friends list ko sa buhay (pati na sa Facebook!) at nagkaroon ng maraming lakad kasama sila. Sa taon din na ito ako natututong magpahalaga ng pera; kalkulado ang bawat gastos, nagtatabi dahil sagot ko ang tubig at internet, at ang pinaka-O.A ko na talagang nagawa ay manghinayang sa kada pisong mahuhulog sa akin sa kanal o saan mang kadiri na para kunin (i.e tae, dura ng kadiring tao, o sa gitna ng EDSA). Natuto rin akong dumepende sa wrist watch na lagi kong suot kapag umaalis ako ng bahay liban lang kung tatambay lang ako. Unfortunately ulit, hindi rin ako nagtagal sa trabahong ito dahil nag-pull out ang client namin dahil sa undisclosed reasons at mawawalan na kami ng trabaho by the end of August. Hindi pa man natatapos ang buwan (April namin nalaman ang masamang balita), ay marami na ang tinatamad pumasok -- kagaya ko. Nasira ang inaalagaan kong attendance record na walang late or absent nang pumatak ang May -- apat na AWOL sa dalawang cut-off for May. Good thing at wapakels na sila kaya NR na lamang sila sa katarantaduhang pinag-gagawa ko. Luckily, napasa ko naman ang inapply-an kong panibagong account sa tulong ng aking Team Leader at sa August 15 pa ako magsi-simula. Ang tagal pa ano? Kaya ito.........tambay-tambay muna.
Ako po yan :)
    All in all, it's been a good two years para sa akin. Although may parehas na nakaka-lungkot na eksena, masaya pa rin ako na nangyari sa akin ang mga yon. Kumbaga, nakatulog..este nakatulong din ito para mas magmature ako habang lumilipas ang panahon. Ampangit naman kung puro magaganda ang mga nangyayari sa buhay ko -- ano ako, anak ng Diyos? At lalo naman kung masasagwa ang mga nangyayari, baka matagal na akong kaluluwa ngayon o kolektor ng laslas sa braso. Anyway, hindi pa tapos ang taong ito pero sana maganda ang maging katapusan nito. Sana magtagal na ako sa bago kong trabaho na tipong ako na yung sumusuko at hindi sila. Sana maging mas matatag at masaya pa kami ng girl friend ko at umabot kami ng tatlong taon o higit pa. Sana kumpleto pa rin ang mga kaibigan ko dito sa Bulacan at hindi magkakawatak-watak bagkus ay madagdagan pa. Sana ay manatiling malusog ang pamilya, si Mama Nhing, at mga kamag-anak ko sa taon na ito at sa mga susunod pang taon. Sana mabuo na ulit ang banda namin at patuloy na mag-ingay sa lugar namin. Marami pa  akong mga 'sana' na linya, pero isusulat ko na lang sa Wish Ko Lang.



.....so paano, babalikna muna ako sa soundtrip ko ha?

12.7.11

Dumaan Ka Ba Sa Pagka-bata?

Patintero - Dalawang team, yung mga taya naman limited lang ang galaw nila sa mga linya sa kalsada. Ang tanging kelangan nilang gawin ay pigilan makatawid ang kabilang grupo.

TINGNAN KUNG ALIN SA MGA NUMERO DITO ANG TINAMAAN KA:
1. Mahilig sa larong langit lupa, at taguan.
2. Naglalaro ng jolen, teks, at pog.
3. Nag babahay-bahayan sa loob ng bahay (Ung ni-rerearrange ung mga upuan etc. at minsan may kumot pa)
4. Nag-papalobo gamit ng sabon sa loob ng banyo tuwing maliligo, minsan dinidikit sa katawan.
5. Tinitignan ang Refrigerator kung mamamatay sa pag-sara.
6. Nag-sasalita sa electric-fan.
7. Binibilang ang mga bituin sa gabi.
8. Nag-tataka na parang sinusundan ata tayo ng buwan.
9. Nagsusulat ng pangalan sa maalikabok na sasakyan, minsan ng aasar pa ng friend gamit ng"Name<3Name"
10. Nag-lalakad sa tiles ng mall, kailangan hindi tatama sa mga guhit ang paa.
11. Kumakain ng nectar ng santan.
12. Kinakagat ang bakal sa lapis para makapag bura.
13. Nag-iiceskating sa bahay gamit ng johnson's baby powder.
14. Gumagawa ng barkong papel at papanoodin sa kanal.
15. Nakapulot ng piso sabay sasabihin sa kaibigan at pamilya.
16. Kinakatok ang barya para bumili sa tindahan
17. Ginawang buntot ng sirena ang punda ng unan.
18. Nag-lalaro sa buhangin ng construction
19. Naglalaro ng salagubang.
20. Nag-papaunahan mag ihip ng kandila kapag natapos na ang brownout.
21. Nagpapapak ng milo.
22. Nagiging gown ang kumot.
23. Kapag butas ang short ng kaibigan, sasabihin sa ibang kaibigan except sa nabutasan at pagtatawanan.
24. Pinagpapatong patong ang mga chess piece, madalas ang rook.
25. Huhuli ng gagamba, ilalagay sa posporo, at pag lalabanin sa stick.
26. Kumukuha ng arateris sa puno.
27. Kinakagat ang kuko.
28. Kapag may magandang laruan ang hindi mo kakilala na bata, titingnan mo siya mula ulo hanggang paa -- or vice versa.
29. Kapag may kaaway sa barkada, lalapitan ang isang walang kamuwang-muwang na kaibigan at babanatan ng "huwag mong bati si *pangalan*".
30. Kapag naka-kita ng kotseng kuba (Volkswagen), babatukan ang taong malapit sabay banggit ng "kotseng kuba, peace!"

10.7.11

T.G.I.S Presents: Malapit nang magsara ang isang Chicken restaurant, abangan

Ang biktima sa masalimuot na kainan
     Isang malamig na sabado ng gabi, biglang nagka-yayaan kaming magka-kaibigan na pag-tripan ang bagong promo ng isang sikat na Chicken Inasal restaurant sa may Meycauayan tollgate na Buy One-Take One for only P100 -- bale singkwenta per head. Umuulan noon, at baha sa may amin kaya wala sa balak ko talaga na sumama o hindi kaya'y nakukutuban kong hindi matutuloy ang lakad. Kaya lumabas ako ng bahay kahit baha sa tapat namin para tumambay sa aming paboritong tambayan-slash-tindahan namin, ang Irog's Grill kung aming tawagin. Tindahan lang talaga siya na sari-sari store, although kada quarter yata ng taon ay may bagong attraction na pakulo si Tita. Kagaya last year, nagbebenta na rin sila ng pisbol, kikiam, itlog pugo, at fried siomai na pwedeng pampulutan ng mga nag-iinuman doon. At nang i-pull out nila ang 'Ituhog Mo Pa -- Fishballs YumYum!" idea nila, ginawa naman nilang bagong atraksyon ang videoke-while-you-make-inom sa may garahe 'ata nila.

    Anyway, pagdating ko doon sa may tindahan ay kumpleto ang lahat at naka-porma't jacket pa. Ang matalik na kaibigan kong si Von at si JR, nakasakay sa motor at tila aalis pa. Bakit kaya? Whatshish going on?
          "Tol! Sasama ka ba?" bati sa akin ni Kathlyn habang papalit sa tindahan with a weird facial expression.
          "Bakit, anong meron?" tanong ko.
          "Inasal daw..." sagot niya.

 The hell, gagastos na naman ako? Bumalik ako sa bahay para kunin ang aking trusted ATM card dahil be-beinte pesos na lang ang pera ko sa wallet ko. At nang makuha ko na ang card ko ay lumakad na kami pabalik ng tindahan kung saan naghihintay ang iba. Gamit ang sasakyan ni JanJan, anim kami na nasa loob nito. Mantakin mo, Toyota Altis lang 'ata yung sasakyan pero para kaming sardinas sa loob ng sasakyan -- apat ang nabibilang pa sa Heavyweight division. Makalipas lang ang sampung minuto ay narating din namin ang SaveMore Malhacan branch na malapit sa tollgate. 'Nak naman ng, ang tagal ko na talagang hindi gumagala sa Meycauayan -- mayroon na palang SaveMore na malapit sa amin? Anyway, nagpark na lang ng sasakyan at lumakad na kami sa nasabing restaurant kung saan naghihintay si Von at Jr kasama ang isa pang lalaki na ngayon ko lang nakita pero parang araw-araw na nilang nakikita. At nang ihanda na ng waiter ang mga order naming Chicken Inasal -- Royal Rumble na!
Suka, Chicken Oil, at Toyo
 Noong una, parang nagkakahiyaan pa. Although nagtatawanan at nagke-kwentuhan pa, mahahalata mong itinatago lang ang kasibaan sa katawan. May ibang tahimik na naka-upo sa sulok at kumakain (ako 'yun), may ibang ginawang sabaw ang Chicken Oil (ako ulit 'yun), at may ibang tinitipid ang manok pero tatlong subuan ng kanin (ay, hindi na ako 'yun). Pero nang lumapit ang waiter na nagbibigay ng extra rice sa mga customer, 'agad naming tinawag ito para magpa-lagay. At dahil sa katakawan ng mga nasa bandang kanan (tatlong pinagdikit na mesa ang gamit namin), hindi pa man umaabot sa pangalawang mesa ay ubos na ang kanin. Naku, sinasabi ko sa'yo, para kaming mga evacuees na naghihintay bigyan ng kanin dahil panay tawag namin sa waiter. May isang instance pa nga na naubusan talaga ng kanin at mga anim na minuto 'ata kaming mga nasa pangatlong mesa na naghintay para sa kanin na sinasaing pa 'ata. Lintik kasi 'yung mga nasa unang mesa, kung maka-hingi ng extra rice eh dala-dalawa. First time niyo, o sadyang 'di uso ang kanin sa bahay niyo? Hindi, biro lang -- 'kooow naman masyado kang apektado. Anyway, nang matapos ang kainan (lahat ng jacket ay nakabukas at ang mga sinturong niluwagan), nagka-alaman na kung sino ang masiba sa kainan at kung sino ang mga nakuha pang mahiya. At ang nagwagi -- si JR na nakakain ng isang buong parte ng manok na pecho at pitong kanin. Yep, PITONG KANIN. May halimaw na bulate sa loob ng tiyan niya, pare. Hindi man namin naka-usap ang branch manager, pero na-imagine ko ang hitsura niya sa loob ng kaniyang opisina. Para siguro siyang naluging Instik.

    Sa mga kasama ko noong araw na 'yun, aabangan ko ulit ang binabalak niyong malupit sa mga susunod na mga Sabado. At oo nga pala, 'di ba kayo nako-konsensya sa mga manok na hindi na muling sinikatan ng araw -- mabusog lang tayo? Baboy naman! Ü

Ang mga taong banned na sa mga all-you-can na restaurant