RSS

9.7.11

Hupaw! Sigaw Ng Isandaang Halimaw!

         
 
          Marami sa atin ay nangangarap sumikat -- o kung hindi naman ay kahit makilala lang sa kabilang baranggay. Mapanood sa telebisyon o mapakinggan sa radyo. Mabasa sa magasin ang kanilang talambuhay o kapain ng kapwa musikero ang kanta nila sa songhits (na 30% ay mali ang chords). Nakakatuwang isipin na dati-rati ay isa kang anonimo na wala pa sa sampu ang nakakakilala sa'yo, pero ngayon limang porsyento na sa iyong Facebook account ang kilala mo at kada minuto ay may nagnanais na maging kaibigan ka kahit sa Inernet man lang. Naglitawan na rin ang mga talent shows sa mga istasyon ng telebisyon para sa mga nagna-nais sumikat sa madaling paraan at magkaroon ng limpak-limpak na pera. Pero kaming apat (malapit na sigurong maging lima), wala kaming paki-alam sa mga yan. Basta gumagawa kami ng musika at nakakahawak ng gitara't drums, masaya na kami. Maka-pondo lang kami ng bagong kanta, abot bumbunan na ang ngiti namin. At makagawa lang kami ng bagong kanta, para na kaming naka-iskor sa kama. Well, ako ganyan ang pakiramdam ko -- ewan ko lang sa tatlong yun.
  
"Papasok kami sa school ng seven-thirty, sasakay kami sa tricycle na medyo dirty. Pero ayos lang yun basta't makarating kami sa JAICA, kasi doon kami ay laging masaya. Oh ang sarap talaga sa JAICA! Kasi doon kami ay laging masaya. Lalo na 'pag kasama si 'crush', ang oras ko ay nagiging rush. Sa JAICA....."

          Una kaming nagsama-sama noong pagsisimula ng taong 2009 sa isang event sa eskwelahan sa may baranggay namin, ang Cardinal Academy. Doon kasi nag-aaral ang drummer na si Carvin at gitarista naming si Aurelio a.k.a "EgBoy" at trip nilang magwala sa nasabing event, kaya kinontak nila kami ng matatalik kong kaibigan na si Jan Russel (JR) at Von. Sabi sa amin, fifteen minutes lang ang allowed time per band at approximately two songs per band. Una naming plano ay iko-cover namin ang mga kantang Chiksilog ng Kamikazee at The Takes Over, The Breaks Over ng Fall Out Boy dahil ganoon kasi ang boses ng vocalist namin. Noong time na yun, wafakels pa ako na bubuo kami ng banda dahil busy ako sa pag-aaral (actually kakatambay sa mga computer shops at sa library). Una naming pangalan ay 'EgSilog', crossbreed ng pangalan ng gitarista namin at isang kantang iko-cover namin. Isang linggo bago ang event sa Cardinal Academy, biglang nag-back out ang vocalist naming si Von sa di-maalalang dahilan. So problemado kaming apat kung itutuloy pa namin, at iniisip kung pupunta kami ng Quiapo para ipa-kulam ang nagback-out na bokalista. Pero dahil sa nakalista na kami sa mga tutugtog at nakakahiya naman sa dalawang estudyante ng Cardinal dahil mapapahiya sila sa titser nila na may sala kung bakit nagkaroon ng event, nagpumilit pa rin kaming magpraktis kahit walang bokalista. At inalis na namin ang Fall Out Boy sa listahan at pinalitan namin ng Siling Giniling ng Giniling Festival ang iko-cover naming kanta. Nagpalit na rin kami ng pangalan dahil bago na rin ang mukha ng banda namin. Mula sa 'EgSilog' ay naging 'Kuko Ni Badjuju'. Amabaho kung papakinggan ang pangalan, pero bagay siya sa tugtugan naming 'happy metal' (hindi ko alam kung may ganoong genre nga, at palaisipan pa rin sa akin kung paano nabuo ang pangalan ng banda namin). Si JR na lang ang bokalista namin pansamantala at siya rin ang lead guitarist namin. At habang kumakanta ang lidista namin, si EgBoy na siyang rhythm guitarist namin ang sasalo ng lead part na medyo madali habang kami ng drummer (ako nga pala ang bahista ng banda) ay lalakasan ang palo at kampas ng daliri sa strings para maging rhythm ng kanta. Parang Microsoft Windows lang, multi-tasking ang lahat.

          Dumating ang araw ng paghuhusga, ang araw ng event na tinawag na "Jam And Groove". Halo pala ang nasabing event: may dance competition din pala, kaya salitan ang dalawang paligsahan. Habang nanood nga ako, hindi ko alam kung saan ako magpo-focus -- sa sayawan ba, na magagaling din naman ang mga kalahok o sa tugtugan, na halos lahat ay mga first time umapak sa entablado kagaya namin. Pang-anim 'ata kami noon sa siyam na kalahok, at tsismis pa ay may tatlong kasali na magagaling na talaga't matatanda na. Wala 'atang masalihan na pang-magagaling kaya sa mga baguhan naki-epal. Makalipas ang apat na banda, nilapitan kami ng teacher-slash-producer ng event at sinabing magiging pang-lima na kami dahil nag-back out ang isang banda. Kaya ayun, after ng sumayaw (na hindi ko napansin masyado dahil sa kaba), kami na ang sumalang. It's showtime!
  
Pero minsan medyo malungkot ako kapag nakikita ko si 'crush' kasama ang boyfriend nito. Pero ayos lang yun, kasama ko naman ang barkada. Kahit na takot ako kay Tapnio at kay Evangelista....."

          Natapos ang unang kanta namin. Marami ang may violent reaction sa pagkatugtog namin ng Chiksilog, hindi kasi pulido ang pagka-kanta ni JR dahil abala siya sa lead ng kanta. Alam naman nating naliligo sa lead ang kantang yun at yun ang isa sa mga paborito kong kanta ng Kamikazee.
            "Magdamag nag-aabang, maglalaro kaya? Ang dalagang nagtatago sa alyas na 'maldita'. Sa dating --*abala sa lead* -- tabi ng tindahan ng magic at sandata...."
          "Chiksilog, ako ay nahulog -- *abala ulit sa lead part* alam ko nang sikreto mo...."
          Ganyan na ganyan ang pagkaka-kanta niya sa Chiksilog. Paputol-putol at parang may censorship ang mga sinasabi niya dahil sa mga hinto. Pero nang humirit na kami ng kantang Siling Giniling, na pili lang ang nakaka-alam ng kantang yun maging ang bandang tumugtog, napawi ang pagkahiya namin. Nagawa naman namin ng pulido at may hustisya ang kanta dahil madali itong tugtugin kumpara sa Chiksilog. Drums ang mahirap sa kantang iyun, pero magaling naman ang drummer namin at nagawa niya ng tama ang bawat palo. Natapos kami ng majority ng mga nanonood ay pumapalakpak at sumisigaw. Bago kami bumaba ng stage, tumakbo pa muli ang bokalista/lead guitarist namin sa may mikropono at humirit ng "Good job guys, good job. Bl*w job". Napalingon ang iba sa kanya at napuno ng 'bastos yun ah' ang kapaligiran. Panalo hahahaha!

          Umuwi ako pagkatapos naming tumugtog. Hinatid ko pa kasi ang mga inuto kong kaklase na manood ng event sa sakayan. At habang naglalakad ako pauwi, nakasalubong ko si EgBoy na may dalang magandang balita. Fourth place daw kami. Tanggap namin na pang-apat kami dahil nga halimaw ang tatlong sumunod sa amin at ginawang Red Horse Musiklaban ang entablado. First time naming magsama-sama at tumugtog pero umangat kami sa apat na nauna na kahit siguro ang iba ay bago pa matutong maglakad ay magkaka-banda na. Kung wala lang ang tatlong nahuli, kami sana ang first place. Not bad. Simula noon, madalas na kaming mag-praktis para mas mapalapit sa isa't-isa at mahasa ang skills namin bilang musikero. Halos lahat 'ata ng studio sa Meycauayan ay natugtugan namin: Rockpile, Maristel, Strums, at yung sa tapat ng SM Marilao na kasing-laki lang ng banyo namin. Sumali na rin kami sa production ng Rockpile at apat na kanta ng Giniling Festival ang kinanta namin. Sumisingit na rin kami at nakiki-jam sa BarKo bar and restaurant malapit sa amin. Isa kasi sa mga banda doon na regular na tumutugtog ay tatay ng drummer namin na drummer din. Sinubukan din naming hiramin ang komposisyon ng barkada ng bokalista namin na "JAICA" at "Pakinggan Mo". Nagkompose na rin kami ng isang kanta, ang "Elebenpipty", na siyang ginamit ng ex-vocalist namin na si Von para sa nililigawan niya. Dahil sa makalaglag-nunal at makakurot-pusong kantang yun ay sinagot siya ng babae. At simula noong tinugtog namin yun ay hindi na kami muling nakatugtog dahil sa kawalan ng band studio sa Meycauayan. May nakita man kaming studio 'di kalayuan sa amin, lagi namang sarado at walang tao. Kaya halos magi-isang taon din kaming tuyot at nangungulila sa libangan namin na tinuring na naming parte ng mga buhay namin. Parang tinangalan mo ng kalayaan ang kaibigan namin na uminom ng Red Horse araw-araw.

"Kaso nga lang ngayon, matatapos na ang school year natin -- pati itong kanta. May ibang magta-transfer na, 'di na kumpleto ang barkada. Pero sana lang walang kalimutan, kahit na maghihiwalay na...."
         
          Ngayon, nakakita muli kami ng isang studyong sumulpot sa may building ng Maristel. Hindi lang siya band studio, recording studio din – matutupad na ang balak naming i-record ang mga kanta namin at pakinggan ang mga kabulsyitan namin. Pero ngayon, abala naman kami sa aming mga ginagawa: si JR ay abala (daw) sa pag-aaral, si EgBoy ay bagamat nasa bahay lang, hindi naman mahagilap. Ganoon din si Carvin na kahit anino, hindi mo na makita. Ako naman ay abala sa trabaho ko sa isang call center company. Pero ‘di bale, darating din ang panahon na mabubuo muli kaming apat (o lima, kapag kinaya ng isang alburotong tsonggo ang kalokohan namin) at gagawa muli ng musika na siyang nagdala sa aming apat ng kaligayahan at kuntento sa buhay. Rakenrol! Θ

0 comments:

Post a Comment

Suggestions? Requests? Violent Reactions?